New Washington, Aklan— Pormal nang tinanggap ng 39 indibidwal mula sa bayan ng New Washington ang livelihood project mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Pinangunahan ni BFAR AKLAN OIC PFO Richard Cordero ang nasabing aktibidad kaninang umaga kung saan itinurn over nito ang mga kagamitan para sa paggawa ng Oyster Raft sa mga miyembro ng Cawayan Vendors Bayanihan Association at St. Vincent De Paul Association of Fisherfolks. Ayon kay Mr. Cordero, importante umano na ingatan at palaguin ng mga recipient ang livelihood project dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang kabuhayan. Pinaalalahanan din ng BFAR ang mga ito na huwag ibenta ang mga materyales na ibinigay ng ahensya dahil magsasagawa sila ng monitoring gayun din sa kanilang production data. Napag-alaman na mahigit P15,000 ang halaga ng bawat oyster raft module na ibinahagi ng tanggapan. Dumalo rin sa turnover si LTC. Luisita Clavesillas, Commanding Officer ng 3rd CMO Battalion ng Philippine Army kung saan binigyang diin nito na mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad, LGU New Washington, BFAR at PNP para mapabilis ang proyekto.
Facebook Comments