
Kinumpirma ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na iisa lang ang Barangay Matina Crossing at Barangay 74-A kung saan matatagpuan ang 379 square meters na real property na pag-aari ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Ipinakita sa impeachment trial ang Administrative District Index Map na may lagda at certified correct ni Adalin kung saan makikita ang Talomo District at ang Barangay Index Map kung saan makikita naman ang Talomo District at ang mga barangay na sakop nito.
Paliwanag ni Adalin, sa dokumento ay makikita ang barangay code na 172 na kumakatawan sa Davao City, ang 09 na kumakatawan sa Talomo District at ang 012 na kumakatawan sa Matina Crossing at 74-A.
Lumalabas sa dokumento na iisa lang ang naturang address at ito rin ang nasa kanilang existing records at tax declaration.
Pareho rin ang numero na nakalagay sa property identification map, tax declaration ng transfer certificate of title gayundin ang certification mula sa Office of the City Mayor na ang Barangay Matina Crossing ay kilala rin bilang Barangay 74-A.
Samantala, kinwestyon ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na kung ang Barangay 74-A sa Davao City na may assessed value na higit P82,000 at may market value na higit P2 Million na tinatalakay ngayon ng defense team ay parehong property ba na nakadeklara sa SALN ni VP Sara na kinumpirma naman ng testigo na si Adalin.










