
Ligtas na ang 11 tripulante ng isang cargo vessel na bahagyang lumubog sa karagatang sakop ng Cagayancillo, Palawan nitong Huwebes, Nobyembre 26.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), sumalpok umano sa batong nakalubog sa tubig malapit sa Dondonay Island ang barkong ML Bahagia, dahilan upang masira ang kanang bahagi ng katawan nito at pasukin ng tubig.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang PCG katuwang ang Philippine National Police (PNP) kung saan nakumpirmang ligtas at walang nasugatan sa lahat ng tripulante, kabilang ang kapitan ng barko.
Isinagawa na rin ang pagbababa ng mga natitirang kargamento habang naghahanap ang PCG ng sasakyang pandagat na maaaring humila sa barko.
Patuloy ring binabantayan ng PCG ang posibleng pagtagas ng langis mula sa barko habang iimbestigahan kung may nalabag na maritime safety regulations kaugnay ng insidente.










