Monday, November 9, 2026

LIBRENG PAGBABAKUNA KONTRA RABIES SA MGA ASO AT PUSA, ISASAGAWA SA IBA’T IBANG BARANGAY SA ALAMINOS CITY

Ilalapit ng City Veterinary Office ng Alaminos City ang libreng pagbabakuna kontra rabies sa mga alagang aso at pusa sa pamamagitan ng house-to-house vaccination program sa iba’t ibang barangay.

Ayon sa anunsyo ng tanggapan, magsasagawa sila ng pagbabahay-bahay na pagbabakuna batay sa nakatakdang iskedyul sa bawat barangay.

Linggo-linggo ring maglalabas ng panibagong schedule ang City Veterinary Office sa kanilang opisyal na Facebook page upang maabisuhan ang mga residente kung kailan bibisita ang kanilang vaccination team sa kani-kanilang lugar.

Kabilang sa mga kinakailangan upang mabakunahan ang mga alagang hayop ay dapat nasa edad tatlong buwan pataas, walang naitalang insidente ng pangangagat sa loob ng hindi bababa sa dalawang linggo, at nasa mabuting kalusugan o walang nakahahawang sakit.

Pinapayuhan naman ang mga pet owner na ihanda ang kanilang mga alagang aso at pusa sa itinakdang araw ng pagbabakuna upang matiyak ang maayos at mabilis na pagsasagawa ng programa.

Para sa mga katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa City Veterinary Office o magpadala ng mensahe sa kanilang opisyal na Facebook page.

Layunin ng programa na mapalawak ang pagbabakuna sa mga alagang hayop at makatulong sa pag-iwas sa pagkalat ng rabies sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments