AFP modernization, magpapatuloy kontra sa mga banta ng terorismo at external security threats ayon sa pangulo

Photo Courtesy: RTVM

Ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagsasa moderno ng Sandatahang Lakas ng Bansa.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para patuloy na maprotektahan ang buong bansa laban sa banta ng terorismo at external security threats resulta ng geopolitical tensions sa Asia Pacific Region at sa buong mundo.

Sa pagdalo ng pangulo sa turnover at blessing ceremony ng ground-based air defense system at C295 medium lift aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Basa Airbase Floridablanca sa Pampanga, sinabi nito na importante ang papel ng PAF sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad ng bansa kaya dapat lang na maisamoderno ang kanilang mga asset para laging maging handa sa anupamang pangyayari.


Ito aniya ang rason kaya pinalalakas ng gobyerno ang kapabilidad at territorial defense ng bansa, counter terrorism at internal security.

Sa pamamagitan din aniya ng mga makabagong kagamitan ng AFP ay napalalakas ang kapabilidad ng mga sundalo na makapaghatid ng humanitarian assistance o tulong at mabilis na makaresponde sa panahon ng pagtama ng kalamidad at sakuna.

Nagpasalamat din ang pangulo sa mga ambassador sa Pilipinas ng bansang Israel at Spain sa kanilang tulong para mapalakas ang defense system ng bansa at mapangalagaan ang soberenya ng Pilipinas.

Giit ng pangulo, kapag may kapayapaan, may katatagan, may pag-unlad ang bansa at mamamayan, lalago ang kalakalan at lumalawak ang magandang pakikipag-ugnayan sa ibang mga kaalyadong bansa.

Dagdag pa ng pangulo, makakamit lamang ang kapayapaan kung may seguridad at kung alam ng bawat isa na kaya nating protektahan ang ating sarili, ang ating mga ari-arian at mga mahal sa buhay.

Kinilala rin ng presidente ang sakripisyo ng mga tauhan ng AFP na patuloy na nagsisilbi at nagpoprotekta sa buong bansa.

Facebook Comments