Angel Locsin, naghandog ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao

927
(Photo: PH Red Cross Davao del Sur Chapter Facebook)

Namahagi ng relief goods ang aktres na si Angel Locsin kasama ang kanyang fiance na si Neil Arce at ang Philippine Red Cross para sa mga biktima ng lindol sa iba’t ibang parte ng Mindanao.

Matapos tumama ang sunud-sunod na aftershocks sa Mindanao nitong nakaraang Linggo, lumipad si Angel at Neil papuntang Davao City para magbigay ng relief goods at hygiene kit sa mga apektadong lugar, mismong araw ng undas, Nob.1.


Sa facebook post na ibinahagi ni Philippine Red Cross Davao del Sur chapter administrator, Helen Diel Caberto, pasasalamat ang ibinigay nito sa tulong ng aktres.

Batay sa ulat, Oktubre 31 nang pumunta ang dalawa sa isang Halloween party na “Opulence: Let Them Eat Cake sa isang mall sa Davao kung saan na-ispotan ang magkasintahan na bumibili ng sako-sakong bigas at pagkain.

Sa post ng isang facebook user na si Nino Angelo Diao, makikita si Angel habang abala sa pamimili, na agad na nagviral online.

Matatandaang nito lamang Oct. 29, isang magnitude 6.6 na lindol ang tumama sa Cotabato na kumitil ng walo katao at nag-iwan ng maraming pinsala sa Mindanao.



Naulit ito kinabukasan sa magnitude 6.5 na lindol.

Samantala, hindi naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na namahagi ng tulong ang aktres sa mga biktima ng sakuna dahil noong Hunyo 2017, nagtungo ito sa Lanao del Norte matapos ang gulo sa Marawi kung saan namahagi siya ng pagkain at school supplies.


Maaalala ring hindi siya dumalo sa ABS-CBN Ball nitong Setyembre para i-donate sa Bantay Bata ang perang magagastos sana para sa nasabing okasyon.

Facebook Comments