Wednesday, April 15, 2026

Ilang miyembro ng Truck Drivers Philippines, nakiisa sa kilos-protesta ng grupong MANIBELA

Lumahok rin sa kilos-protesta ng grupong MANIBELA ang Truck Drivers Philippines sa Philcoa, Commonwealth, Quezon City ngayong Miyerkules, April 15.

Ayon sa founder ng grupo na si June Magno, hindi lang pampublikong transportasyon ang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis kundi pati ang mga truck na naghahatid ng mga produkto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Inihayag rin ni Magno na maging ang operasyon sa trucking ay nagbago na, mula sa araw-araw na pagbyahe ng mga produkto ay naging on-call na lamang ang mga driver—kung saan posibleng sa isang linggo ay isa hanggang tatlong araw na lang sila makabibiyahe.

Paglilinaw ni Magno, hindi nila inire-require ang kanilang mga kasamahan na makibaka sa tigil-pasada lalo’t kakarampot na lang din ang kanilang kinikita; gayunpaman, may ilang driver at operator pa rin aniya ang dumalo sa kilos-protesta.

Sa ngayon, tapos na ang kilos-protesta sa Philcoa, Commonwealth, Quezon City pero babalik sila rito bukas para sa ikalawang araw ng nationwide transport strike.

Facebook Comments