
Hinamon ni Senator Erwin Tulfo ang mga kawani ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakatalaga sa Middle East na mag-resign na lamang kung hindi kayang gampanan ang kanilang tungkulin para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naiipit sa tensyon sa rehiyon.
Tinukoy ni Tulfo ang naging sumbong sa tanggapan ni Sen. Raffy Tulfo na sa kabila ng mga ibinigay na hotline ng mga ahensya na pwedeng tawagan ng mga kababayang nangangailangan ng tulong sa mga bansa sa Middle East, ay hindi ma-contact ang mga ito o walang sumasagot sa linya at nagawa pang umabsent.
Giit ni Sen. Erwin, kung natatakot at hindi kayang gampanan ang kanilang tungkulin sa Middle East ay mag-resign na lamang sila.
Nauunawaan naman ng senador na batid niyang natatakot din ang mga ito para sa kanilang kaligtasan subalit dapat na mapanindigan nila ang piniling trabaho at umpisa pa lamang ay naisip na posibleng magka-gyera sa Middle East.
Samantala, nagpaliwanag naman si DMW Secretary Hans Leo Cacdac matapos ipakita ni Senator Raffy ang sumbong sa kanyang social media page ng isang OFW sa Bahrain na may advisory na sarado ang mga opisina ng bansa noong March 1 at walang sumasagot sa mga hotlines.
Paliwanag ni Cacdac, noong March 1 ay nagpatawag siya ng ZOOM meetings at calls sa mga ahensya, matapos ang naging pag-atake ng US at Israel sa Iran noong February 28.
Tiniyak ng kalihim na kumikilos at nakatutok ang DFA, DMW, OWWA at mga embahada ng bansa sa Middle East at malinaw ang kanyang utos na “all hands on deck” sa pagtiyak ng kaligtasan at mabilis na repatriation ng mga kababayan.










