Lumabas nang naka-bikini na gawa sa surgical mask ang isang performamce artist bilang protesta sa lockdown sa Los Angeles, USA.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni DaVida Sal ang tinawag niyang “artvism” kung saan tinakpan niya ng mask ang kanyang mga mata, maseselang bahagi ng katawan, ngunit hindi ang ilong at bibig.
Nagsisilbing atake ang piring niya sa mata sa mga “bulag-bulagan” umanong sumusunod sa nasabing patakaran sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Katwiran ni Sal, “If the masks work, why the 6 feet? If the 6 feet works, why the masks? If both work, why the lockdown?”
Giit niya, naniniwala siya sa isang teorya na ginawa raw ang coronavirus upang tanggalan ng kalayaan ang mga tao at piliting mag-face mask at dumistansya sa isa’t-isa.
Tila hindi naman ikinatuwa ng marami ang ginawa ng artist nang mangibabaw sa naturang post ang mga negatibong komento.
Sermon pa ng isang netizen kay Sal, “People where I live are dying, Karen. Protecting the most vulnerable people in our population is the right thing to do. Wearing a mask is not difficult.”
Sa ngayon, laspas 1.7 milyon na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa US, higit 100,000 rito ay namatay sa sakit.