Bahay ng isang Principal sa Pikit North Cotabato hinagisan ng granada

Sugatan ang isang grade 12 student ng Pikit National High School, matapos hagisan ng granada ang harapan ng kanilang tindahan sa likod ng Pikit South Central Elementary School sa Poblacion Pikit, Cotabato.
Kinilala ang nasabing biktima na si Datu Samer Amelil, 18 anyos, anak ng punong guro ng Barungis Elementary School na si Mr. Gani Amelil na residente ng Poblacion Pikit, Cotabato.
Ayon sa ating panayam sa nakatatandang mga kapatid ng biktima, kasagsagan ng kanilang tulog ala 1:30 ng madaling araw at nagpasya ang biktima na sa tindahan sila matulog kasama ang isang barkada, nang bigla na lamang silang nagising ng sumabog ang napakalakas na granada sa harap mismo ng kanilang tindahan.
Wala sa bahay ang Ama ng tahanan, kung saan nag attend ito ng party ng mga guro sa Migrande Resorts sa Davao city kasama ang kanyang misis na isa rin guro sa nasabing lugar.
Dahil sa lakas ng pagsabog nasira ang isang motorcycle with sidecar at tindahan ng pamilya Amelil at sugatan pa ang isang binata.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbistigasyon ng mga otoridad hinggil sa motibo ng naturang panghahagis ng granada.
Photo Courtesy of Radyoman Jess M. Ali.

Facebook Comments