Balut Vendor, Patay Matapos Manlaban sa Buy Bust!

Tuguegarao City- Patay ang isang lalake matapos manlaban sa isinagawang Drug Buy Bust Operation ng pinagsanib pwersa ng PNP Tuguegarao at PDEA Region 2 kamakailan partikular sa Pinacanauan Tuguegarao Avenue, Tuguegarao City.

Kinilala ang nasawing suspek na si Marcelo Pagulayan alyas “Cielo”, apatnapu’t anim na taong gulang, isang balut vendor, at residente ng Zone 2 Caggay, Tuguegarao City.

Sa impormasyong natanggap ng RMN Cauayan, napatay ang suspek matapos manlaban sa isinagawang Drug Buy Bust Operation ng mga operatiba at batay sa pagsisiyasat ng kapulisan, kinagat umano ng suspek ang naturang patibong subalit natunugan umano nito ang naturang operasyon kaya’t agad nitong inilabas ang kanyang baril at ipinutok ng dalawang beses sa dalawang pulis na mag-aaresto sana sa suspek.


Nakailag umano ang dalawang pulis na sina PO2 Vicente Lacambra at PO3 Vincent Tumaneng mula sa putok ng baril ni “Cielo” kaya’t binaril naman ni PO3 Jayson Anguluan bilang poseur buyer ang suspek upang dipensahan ang kanyang mga kasamahan.

Agad na binawian ng buhay ang suspek habang narekober naman mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang kalibre trentay otsong baril, tatlong bala, dalawang basyo ng bala, limang sachet ng hinihinalang shabu, isang lighter, dalawang spent shell ng 9mm caliber at isang slug na agad namang dinala sa Crime Laboratory Office para sa karagdagang pagsusuri.

Facebook Comments