
Narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ng isang tripulante ng fast craft ferry sa Port of Calapan, Oriental Mindoro.
Kinilala ang 25-anyos na biktima na residente ng Buluangan, Valderrama, Antique.
Ayon sa PCG, nakatanggap ng ulat ang Coast Guard Sub-Station Calapan tungkol sa insidente kung saan agad silang nagsagawa ng search and retrieval operation kasama ang Special Operations Group, at makalipas lamang ang ilang minuto ay natagpuan ang bangkay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, huling nakita ang biktima bandang ala-una ng madaling-araw habang nakikipag-video call pero makalipas ang ilang oras ay may isang sakay ang nakapansin ng hugis ng tao sa ilalim ng barko na kalaunan ay nakumpirma na ang biktima ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PCG kasama ang PNP Maritime, SOCO, at pamunuan ng barko habang inatasan na rin ang kapitan ng ferry na magsumite ng opisyal na ulat at marine protest.
Tiniyak ng Coast Guard na tutulungan ang pamilya ng biktima at sisilipin ang lahat ng posibleng dahilan ng insidente.









