Bank Secrecy Law, pinaamyendahan ng isang senador

Pinaaamyendahan ni Senator Jinggoy Estrada ang Republic Act No. 1405 o ang Bank Secrecy Law upang pahintulutan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsiyasat ng mga bank deposit na hinihinalang may kaugnayan sa mga iligal na gawain.

Inihain ang panukala sa gitna ng mga isyu kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo sa flood control projects, kung saan nadawit din ang pangalan ng senador.

Ayon kay Estrada, hindi dapat ginagamit ang bank secrecy bilang panangga sa paggawa ng katiwalian, at mahalagang bigyan ng malinaw na kapangyarihan ang mga awtoridad na silipin ang mga bank account alinsunod sa itinakda ng batas.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1047, bibigyan ng malinaw na awtoridad ang korte at ang BSP na gamitin ang kanilang supervisory powers upang magsiyasat ng mga kahina-hinalang bank account, kung may sapat at matibay na ebidensiya ng panunuhol, pandaraya, money laundering, o iba pang iligal na aktibidad.

Itinatakda rin sa panukala na kailangan munang makakuha ng pahintulot mula sa Monetary Board ng BSP bago isagawa ang anumang imbestigasyon sa mga bank account.

Saklaw ng panukala ang parehong peso at foreign currency deposits, at may nakapaloob ding mga safeguard upang maiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan.

Layunin ng panukala na mapanagot ang mga sangkot sa krimeng pinansyal at mapalakas ang tiwala ng publiko sa sistema ng pananalapi at pamahalaan.

Facebook Comments