
Walang nakikitang problema ang Malacañang kung dadalhin sa Korte Suprema ni Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice ang usapin sa ₱58.53-bilyong Local Government Support Fund o LGSF.
Ito’y matapos kwestiyunin ng mambabatas ang malaking pagtaas ng pondo, mula ₱23 bilyon noong 2025, na naging ₱58 bilyon ngayong taon, at mahigit ₱58 bilyon naman ang nakapaloob sa proposed 2027 National Expenditure Program.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, karapatan ni Erice na dumulog sa hukuman kung mayroon siyang legal na basehan sa kanyang petisyon.
Pero iginiit ni Castro na may nauna nang desisyon ang Supreme Court na tumalakay sa usapin ng mga pondong inilaan para sa mga lokal na pamahalaan.
Hindi aniya ipinagbabawal ang LGSF at maaari itong gamitin para suportahan ang mga proyekto at pangangailangan ng mga LGU.










