
Pumanaw ang isang 77-year-old na Filipino-American na kinilala sa pangalang “Bert Atienza”, matapos gulpihin ng mga magulang ng isang 17-year-old na empleyado sa loob ng isang Walmart store sa Norfolk, Virginia.
Ayon kay Josephine Atienza na asawa ng biktima, muntik na siyang mabangga ng pushcart na hawak ng empleyado sa naturang grocery store.
Hindi umano humingi ng paumanhin ang empleyado dahilan upang magkaroon ng maikling pagtatalo sa pagitan nito at ng kaniyang asawa.
Binato pa raw sila ng lata at pinalad na hindi matamaan hanggang sa makalipas ang ilang minuto ay sinugod ng mga magulang ng naturang empleyado ang matandang lalaki saka ito binugbog hanggang sa matumba.
Nagtamo ng malubhang pinsala at nawalan ng malay si Atienza, na may umiiral ding sakit bago tuluyang binawian ng buhay sa ospital kinabukasan.
Nangungulila ngayon si Josephine matapos matuldukan ang 42 taong pagsasama nila ni Bert na nagpaplanong magretiro na sana sa Pilipinas.
Patuloy na rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Virginia para sa pagsasampa ng criminal case laban sa mga suspek.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa insidente.










