Friday, September 18, 2026

Immigration officer na nagpapalusot ng mga recruit para gawing scammer, arestado sa NAIA

Nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang immigration officer sa NAIA Terminal 1 matapos itong matuklasang sangkot sa illegal recruitment at human trafficking network.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang biktima na ni-recruit sa pamamagitan ng Telegram.

Pinangakuan ito ng trabaho sa Thailand bilang customer service representative na may-₱50,000 na buwanang sahod.

Nagtaka na umano ang biktima nang may ipadalang bag sa kaniyang paglipad na senyales na balak pala itong gawing drug mule.

Lumabas sa imbestigasyon na tumatanggap umano ng ₱40,000 ang naarestong BI officer para sa bawat pasaherong kulang ang dokumento.

Ipinadadaan ng opisyal ang biktima sa isang kasabwat na immigration counter, kung saan apat na iba pang biktima ang matagumpay ring nasagip sa kasagsagan ng operasyon.

Sasampahan ng patong-patong na kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct for Public Officials ang nasabing Immigration officer.

Inirerekomenda na rin ang pagpapataw ng kaso sa apat na ilegal na recruiter na sangkot sa human trafficking.

Facebook Comments