Nagpahayag ng buong suporta si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa panukala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bumuo ng isang district office ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Kaisa si Hataman sa layunin mungkahi ni Pangulong Marcos na mapabilis ang pag-aayos ng mga nasirang daan at tulay dulot ng Bagyong Paeng na hindi madaanan, bagay na nagpapahirap sa pagpapadala ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad.
Nakikita rin ni Hataman ang kahalagahan ng pagtatayo ng isang tanggapan ng DPWH sa BARMM na mangangasiwa sa patuloy na implementasyon ng national projects na pinopondohan ng pamahalaan.
Magugunita na noong nakaraang Kongreso, kasama ang mga BARMM representatives ay inihain ni Hataman ang House Resolution No. 333 na humihiling na magtayo ng national DPWH office sa BARMM.
Ito ang nakikitang solusyon ni Hataman sa kahirapan ng implementasyon ng national infrastructure projects sa BARMM dahil sa kawalan ng national office ng DPWH.