Bayan ng Pikit sa North Cotabato, niyanig ng malakas na pagsabog!

Nabulabog ng malakas na pagsabog ang namamahinga na sanang mga residente sa bayan ng Pikit sa lalawigan ng North Cotabato nang pasabugan ng granada ang isang construction firm doon.
Sinabi sa RMN-Cotabato ni Pikit PNP Chief of Police Chief Insp. Romi Castanares, alas 9:35 kagabi nang sumambulat ang granada na inihagis ng hindi nakitang indibidwal sa likurang bahagi ng motorpool ng 5 Royal Construction sa Barangay Batulawan sa nasabing bayan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga imbestigador ng Pikit PNP, sinabi ni Castanares na extortion ang nasisilip na posibleng motibo sa pagpapasabog gayun pa man magsasagawa pa rin anya sila ng follow investigation kaugnay ng insidente.
Sabi pa ng opisyal na hinihintay nila ang kanilang EOD team na s’yang magsasagawa ng post blast investigation upang matukoy kung anong uri ng granada ang sumabog.
Wala namang nasaktan sa pagsabog samantalang bahagya lamang na nasira ang isang payloader truck ng naturang construction firm dagdag pa ni Castanares. (Daisy Mangod Remogat)

Facebook Comments