
Na-i-refer na sa Senate Committee on Rules ang manifestation na i-convene ang Senate Committee of the Whole para imbestigasyon ng shooting incident sa Senado noong May 13.
Sa sesyon ngayong hapon, nabuksan ang usapin nang mag-manifest si Senator Erwin Tulfo na kailangang malaman ng publiko ang katotohanan.
Mismong ang publiko ay nananawagan ng pangangailangan para sa patas, independent at transparent na imbestigasyon sa nangyari.
Sinabi pa ni Tulfo na hindi drama, action o comedy ang hanap ng taumbayan kundi katotohanan, accountability at katatagan ng buong institusyon.
Nilinaw ng senador ang mga insinuations na may paunang impormasyong natanggap ang minority senators kaya wala na sila nang mangyari ang putukan.
Nauna rito ay nag-manifest din si Senator Risa Hontiveros na hindi maliit na bagay ang nangyari at hindi dapat iniasa sa mga Facebook live, press conference at media interviews ang pagtahi-tahi ng mga pangyayari.
Dagdag pa ng senadora, minorya man o mayorya, nabahiran ang dignidad, kredibilidad at moral authority ng Senado sa harapan ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng resolusyon na inihain ni Senator Imee Marcos ay ipinanawagan ang imbestigasyon ng Committee of the Whole sa napaulat na presensya, deployment at pagkakasangkot ng mga armed personnel sa insidente ng barilan sa loob ng Senado.










