Balik na sa normal ang operasyon ng BFCT East Metro Transport Terminal matapos ang nangyaring pagsabog sa isang nakaparadang wing van sa lugar na ikinasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng limang iba pa.
Pansamantala kasing naantala ang operasyon ng mga biyahe rito kahapon dala ng imbestigasyon na inilunsad ng mga awtoridad.
Nabatid na alas-4:00 pa lang ng madaling araw, marami nang mga pasahero ang nakaabang sa Terminal para sa kanilang mga byahe.
Dito kasi ang sakayan ng mga taga-Eastern Metro Manila para sa mga byaheng IloIlo, Aklan at Mindoro.
Sa ngayon, wala pa ring pahayag ang pamunuan ng bus tungkol sa insidente pero sinabi ng mga nagbabantay ng Terminal na kaya may mga van nakakaparada sa kanila ay dahil Tenant nila ang mga ito.
Nabatid na mga paputok ang itinuturong dahilan ng pagsabog ng wing van.
Sumiklab kasi ang mga paputok na karga nito at dahil sa pagsabog, nadamay ang isang van at isang bus na katabi nito.
Napag-alaman naman sa imbestigasyon na tinabunan ng karton at pinagitnaan ng mga tela ang mga paputok kaya mabilis itong nagliyab.
Ayon sa PNP, bawal ang pagbiyahe ng mga paputok sa mga pampublikong sasakyan at cargo vehicles.