BILANG NG MGA ENROLLEES, NADADAGDAGAN –SDO ISABELA

Patuloy pa rin ng enrollment sa mga paaralan para school year 2022-2023 at inaasahan na tataas ang bilang ng mag-aaral kasunod ng nakatakdang pagbabalik ng face-to-face classes sa Nobyembre.

Nagsimula ang enrollment noong Hulyo 25 at magpapatuloy hanggang sa Agosto 22, 2022.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Timoteo Bahiwal, Planning Officer III ng DepEd Isabela, may tatlong maaaring paraan ng pagpapa-enroll para sa mga estudyante o mga magulang.

Ayon kay Bahiwal, maaaring magtungo mismo sa mga eskwelahan para sa in-person enrollment, pwede rin remote enrollment sa pamamagitan naman ng pag email o pagtawag sa mga paaralan. Upang maabot naman ang mga estudyante sa malalayong lugar ay maglalagay ang DepEd ng mga enrollment drop boxes sa mga barangay o sa labas ng mga paaralan.

Sinabi rin niya na magpapatuloy parin ang blended learning sa pasukan mula Agosto 22 hanggang December 31 bilang transisyon sa inaasahang pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.

Sa blended learning, magkakaroon ng tatlong araw na in-person classes at dalawang araw na modular classes.

Nakatakdang bumalik ang full face-to-face classes sa Nobyembre 2, 2022.

Facebook Comments