Binata, Arestado sa Pagnanakaw ng Motorsiklo!

*San Isidro, Isabela- *Nahaharap sa kasong Carnapping ang isang binata matapos magnakaw ng motorsiklo sa Brgy. Quezon, San Isidro, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Felix Orillo,19 anyos, isang helper, residente ng Brgy. Quezon, San Isidro, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, bandang alas singko ng umaga kahapon nang malaman ng biktima na si Thadeus Javier ng Victory Sur, Santiago City na nawawala ang kanyang Honda Click Single 125 na motorsiklo kaya’t agad na inireport sa Santiago City Police Station 2 at itinimbre naman sa San Isidro Police Station.


Agad namang rumesponde ang mga kasapi ng PNP San Isidro matapos makatanggap ng impormasyon na may ibinebentang motorsiklo ang suspek sa kanilang nasasakupan.

Pasado alas diyes kaninang umaga ay matagumpay na naaresto ang suspek matapos walang maipakitang anumang kaukulang dokumento ng nasabing motorsiklo.

Dinala na sa San Isidro Police Station ang suspek maging ang motorsiklo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments