Birthday party ng Pangasinan mayor sa gitna ng ECQ, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ngayon ang isang alkalde sa Pangasinan dahil sa isinagawang birthday party ngayong panahon ng enhanced community quarantine.

Sa video, makikitang nakapaligid ang maraming tao kay Sto. Tomas Mayor Timoteo Villar III habang kinakantahan ito at binibigyan ng cake na tinawag nilang “midnight harana”.

Maririnig din ang pagbibiro ng anak ng opisyal na si Councilor Dickerson Villar tungkol sa ginawa umanong paglabag.


“O tulog tayong lahat sa kulungan! Dami nating nilabag: curfew, social distancing,” saad ng konsehal.

Ang kontrobersiyal na video, inupload ng nakababatang Villar noong Mayo 8 na binura rin kinalaunan.

Pero mabilis na naging viral sa social media ang naturang selebrasyon at inulan ng batikos mula sa mga nanggagalaiting netizen.

Hirit ng nakararami, dapat parusahan din ang mga nasa posisyon na lumalabag sa panuntunan ng ECQ.

Depensa naman ng alkalde, wala siyang sinuway na quarantine rules dahil hindi naman daw siya ang naghanda.

Bunsod ng insidente, ni-relieve ng Pangasinan Provincial Police ang hepe ng Sto. Tomas Police Station. Inaalam na rin ng awtoridad kung sino ang lahat ng dumalo sa pagtitipon.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering para maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Facebook Comments