BTA parliament kay Marcos: Italaga si SAP Lagdameo na IGRB co-chair

Pinagtibay ng Bangsamoro Transition Authority parliament sa lungsod na ito ang isang resolusyon na na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na italaga si Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. na head ng national gov’t team at co-chairperson ng InterGovernmental Relations Body.

Layunin ng resolusyon na mapanatili ang tuloy-tuloy at mataas na antas ng ugnayan sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa ilalim ng Resolution No. 775, na inaprubahan ng BTA noong Disyembre 17, 2025, inendorso si Lagdameo ng 80-member transition parliament bilang kapalit ni dating DBM secretary Amenah Pangandaman na nagbitiw kamakailan at nag-iwan ng bakanteng posisyon.

Itinatag ang IGRB sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law upang magsilbing pangunahing mekanismo sa pag-uugnay at paglutas ng mga isyung may kinalaman sa relasyon ng BARMM at pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng konsultasyon at patuloy na negosasyon.

Tungkulin nitong resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan at iakyat sa Pangulo ng bansa ang mga usaping hindi agarang masolusyunan sa pamamagitan ng punong ministro ng BARMM.

Mula nang mabuo noong 2019, naging mahalagang plataporma ang IGRB para sa dayalogo sa mga usapin ng pamamahala, pananalapi, imprastraktura, at kooperasyong panlipunan at pang-ekonomiya. Nagsagawa na ito ng ilang pagpupulong upang pagtugmain ang mga polisiya ng dalawang panig.

Isang mahalagang hakbang sa pagpapatakbo ng IGRB ang pag-activate noong Nobyembre 2023 ng pitong mekanismo nito kabilang ang Philippine Congress–Bangsamoro Parliament Forum, Intergovernmental Fiscal Policy Board, at Intergovernmental Infrastructure Development Board.

Nagbibigay ang mga ito ng espesyalisadong talakayan para sa mga usaping lehislatibo, piskal, imprastraktura, enerhiya, at kaunlaran.

Binibigyang-diin ng mga opisyal mula sa pambansang pamahalaan at BARMM ang papel ng IGRB sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran.

Noong 2024, pinasalamatan ng IGRB ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa mga layunin ng BARMM, at iginiit na mahalaga ang regular na konsultasyon para sa pangmatagalang pag-unlad.

Nakatulong din ang IGRB sa pagbuo ng mga kongkretong kasunduan gaya ng pagtatatag ng regional office ng Professional Regulation Commission sa BARMM at muling pagbubukas ng konsular na presensya ng Department of Foreign Affairs sa Cotabato City upang mapahusay ang serbisyong publiko.

Dumating ang kahilingan ng Bangsamoro Parliament sa isang kritikal na yugto, habang papalapit ang BARMM sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections matapos ang ilang taong pamamahala ng BTA.

Pinamumunuan naman ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na itinalaga ni Pangulong Marcos noong Marso 2025, ang mga paghahanda para sa unang halalan ng rehiyon.

Ayon sa mga mambabatas, ang pagtatalaga kay Lagdameo, na siyang isang mataas na opisyal at tagapayo ng Pangulo, ay makatutulong upang mapanatili ang matibay na koordinasyon sa pagitan ng BARMM at pambansang pamahalaan lalo na sa gitna ng mga hamon sa halalan, pananalapi, at administrasyon.

Anila, mahalaga ang tuloy-tuloy na pamumuno sa IGRB upang masuportahan ang dayalogo habang patuloy na umuunlad ang mga institusyon ng pamahalaang Bangsamoro.

Facebook Comments