BuCor, target pagpaliwanagin sa mga isyu sa budget deliberation ng Senado

Susubukang pagpaliwanagin sa budget deliberation sa plenaryo ang bagong pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor).

Bunsod na rin ito ng paghaharap ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong murder laban kay suspended BuCor Director General Gerald Bantag na itinuturong nag-utos na ipapatay ang radio broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, kung magkaroon ng pagkakataon ay tatanungin niya si BuCor Officer-in-Charge Gregorio Catapang para bigyang linaw ang ilang mga isyu.


Partikular na idudulog ng senador sa BuCor kung ano ang nangyayari sa loob ng National Bilibid Prison at mga dahilan bakit nasasangkot ang mga mismong namumuno dito sa paggawa ng krimen.

Samantala, hindi pa tiyak ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung itutuloy pa ang imbestigasyon para sa pagbibigay linaw sa kaso ng pagpatay kay Lapid matapos na makapagsampa na ng kaso ang Philippine National Police (PNP) at NBI sa mga hinihinalang utak at magkakasabwat sa krimen.

Facebook Comments