Bulkang Taal, ibinaba na sa Alert Level 2

Photo Courtesy: PHIVOLCS

Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alerto ng Bulkang Taal.

Mula sa Alert Level 3 na magmatic unrest ay inilagay na ito ngayon ng PHIVOLCS sa Alert Level 2 o decreased unrest.

Ayon sa PHIVOLCS, mula ng maganap ang phreatomagmatic eruption sa Main Crater ng Taal noong March 26, 2022 ay nakapagtala ng anim na mahihinang phreatomagmatic bursts kung saan nitong March 31 ay bumaba na ito.


Maging ang mga naitalang mga pagyanig sa nakalipas na dalawang linggo ay bumaba na rin kung saan nasa 86 volcanic earthquakes na lamang.

Nabatid na nakapagtala ng 26 na volcanic tremors, 59 na mahinang frequency volcanic earthquakes at isang volcano-tectonic event na karamihan ay mula sa 0-7 kilometers sa ilalim ng Main Crater at eastern sector ng Taal Volcano Island.

Wala ring naitalang seismic activity na indikasyon may bagong magmatic intrusions mula sa ilalim ng Taal Volcano.

Facebook Comments