Bureau of Immigration, pinabilis na ang proseso ng pagpasok ng mga Pilipino sa NAIA at Clark International Airport

Inanunsiyo ng Bureau of Immigration (BI) na mas mabilis na ang arrival process ng mga Pilipinong uuwi sa bansa ngayong holiday season.

Ayon sa BI, binuksan na muli nila ang electronic gates (e-gates) na magpapadali sa proseso ng pagpasok ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport.

Ibig sabihin, mula sa halos isang minutong processing time ay nasa 8 segundo na lamang ang itatagal ng mga ito dahil sa e-gates.


Ipinaliwanag ni Immigration Commissioner Jaime Morente na napapanahon ito lalo na’t inaasahang maraming mga Pilipino ang uuwi sa bansa sa kabila ng travel restrictions dahil sa banta ng Omicron COVID-19 variant.

Sinabi pa ni Morente na nitong unang araw ng Disyembre ay umabot sa higit 6,000 ang pumasok sa bansa kung saan nasa 85 porsyento sa mga ito ang mga Pilipino.

Sa ngayon, bumuo na rin ng rapid response team ang immigration at inatasan na rin ang mga tauhan na agad tumugon sa anumang pangangailangan ng mga pasahero.

Facebook Comments