Ipinagtanggol ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde si PNP Cebu City Director Police Colonel Royina Garma.
Ito ay sa harap na rin ng akusasyon ni Cebu Mayor Tomas Osmeña na umano’y nakikisawsaw sa partisan Politics ang Chief of Police ng Cebu.
Ayon sa PNP Chief, mananatili sa pwesto si Garma dahil wala naman siyang natatanggap na reklamo mula sa Regional Director at wala din aniyang rekomendasyon ito para ilipat ng pwesto si Garma.
Paliwanag ni Albayalde, kung nakikisawsaw sa politika ang Chief of Police ng Cebu ay maari naman itong iverify ng mga “red teams” ng Counter intelligence Task Force, dahil striktong ipinatutupad ng PNP na manatiling “apolitical” sa eleksyon.
Sinabi ni Albayalde na pangkaraniwan na inirereklamo ng mga mayor ang mga local chief of Police kung hindi nila ito nagugustuhan.
Ngunit mayroon aniyang “deliberation” ang pamunuan ng PNP sa pag-re-assign ng mga Chief of Police at mas binibigyang prioridad ang rekomendasyon ng Regional Director na nakakasakop dito dahil ito ang mas nakakaalam ng situasyon sa lugar.
Payo ng PNP Chief kay Mayor Osmeña, kung may reklamo ito sa kanyang Chief of Police, mas makabubuti kung makipag-usap nalang ito sa kanya o kaya sa DILG.