Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Cebu Pacific Air sa mga problema at aberyang idinulot ng airline sa kanilang mga pasahero.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, ipinaabot ni Cebu Pacific Air Chief Commercial Officer Alexander Lao ang sinserong paghingi ng paumanhin ng kompanya sa mga abalang naranasan ng mga pasahero.
Kasabay nito ang pagtiyak ng CebPac Air sa publiko na committed ang airline sa pagresolba sa mga hamong kinakaharap at kanilang pinahahalagahan ang tiwala at kumpyansa ng mga pasahero.
Tiniyak ni Lao ang patuloy na pagbibigay ng ligtas, abot-kaya at maaasahang flights dahil naiintindihan aniya ng CebPac na responsibilidad nila ito bilang serbisyo publiko.
Para mapahusay ang kanilang operasyon at matulungan ang mga apektadong pasahero, sinabi ni Lao na nagpatupad na sila ng mga hakbang tulad ng pagpapalakas sa kanilang disruption management team, dagdag na live chat agents na 24 oras na sasagot sa mga reklamo ng mga pasahero at pagpapahusay ng mga pulisiya at proseso sa pagtugon sa problema at sa kanilang komunikasyon.
Inihayag pa ng Cebu Pacific na nakaranas din sila ng problema kaya naapektuhan din ang kanilang operasyon kung saan walong eroplano nila ang hindi magamit pa sa kasalukuyan dahil sa isyu ng kawalan ng support engine matapos magkaproblema sa kanilang supplier at dahil sa ilang insidente at nangangailangan ng panahon para ma-repair ang mga aircraft.
Dagdag pa sa problema ang pagsisimula ng tag-ulan at pagsama ng panahon kung saan nagdedeklara sila ng red lightning alert kung saan tigil ang lahat ng ground activities at flights sa airport.