
Kinumpirma ng Malacañang na ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay sa ipinataw na sanction ng China laban kay Senator Francis Tolentino.
Si Tolentino ay naka-ban ngayon sa mainland China, gayundin sa Macau, at Hong Kong dahil sa kanyang matibay na paninindigan sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Sa pahayag ng DFA na binasa ni Palace Press Officer Claire Castro sa Malacañang press briefing, nakasaad na bagama’t nasa legal na kapangyarihan ng China ang magpatupad ng ganitong hakbang, ang pagpapataw ng parusa laban sa isang halal na opisyal na ginagawa lamang ang kaniyang tungkulin ay hindi tugma sa prinsipyo ng mutual respect at dialogue na siyang pundasyon ng relasyon ng dalawang bansa.
Ipinaalala rin ng DFA sa Chinese Ambassador na pinahahalagahan ng Pilipinas ang kalayaan sa pagpapahayag.
Nakabatay rin ito sa konstitusyonal na prinsipyo ng paghihiwalay ng kapangyarihan ng tatlong sangay ng gobyerno, kung saan tungkulin ng mga senador at iba pang halal na opisyal na mag-imbestiga at magtanong ukol sa mga usaping pambansa at pampubliko.
Nanindigan ang DFA na patuloy nitong isusulong ang pagresolba ng mga pagkakaiba sa pamamagitan ng diplomasya at dayalogo, at umaasa sa patuloy na konstruktibong ugnayan sa China para sa mas malalim na pagkakaunawaan ng dalawang bansa.









