CLEARING OPERATIONS SA SAN CARLOS, UMABOT NA SA 80%

Patuloy ang isinasagawang clearing operations ng lokal na pamahalaan ng San Carlos matapos ang malawakang pinsala sa linya ng kuryente dulot ng mga bumagsak na puno at kawayan sa kasagsagan ng nagdaang bagyo. Sa tulong ng Barangay Council, mga boluntaryo, LGU Clearing Operations Team, mga national line agencies, at ang Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO), tinatayang nasa 70% hanggang 80% na ng mga debris sa mga kalsada at linya ng kuryente ang nalinis.

Ayon sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), lahat ng 86 barangay ng San Carlos ay nakapagtala ng insidente ng naputol na linya ng kuryente, karamihan ay sanhi ng pagbagsak ng mga punong kahoy at kawayan. Ang mga interior barangay, na kilala sa kanilang luntiang kagubatan at makakapal na taniman ng kawayan, ay kabilang sa mga pinakaapektado.

Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon, hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na magsagawa ng regular na pagputol o pruning ng mga sanga ng puno at kawayan sa kanilang mga bakuran at paligid. Ito ay upang maiwasan ang pagkasira ng mga linya ng kuryente tuwing may paparating na sama ng panahon.

Ayon sa datos mula sa Department of Energy, mahigit 60% ng mga power outage sa mga probinsya ay dulot ng mga bumabagsak na puno at debris sa mga linya ng kuryente tuwing may bagyo. Kaya’t panawagan ng mga awtoridad, hindi lamang sa panahon ng sakuna dapat kumilos ang mga mamamayan, kundi sa pamamagitan ng maagang paghahanda at disiplina sa pangangalaga ng kapaligiran.

Habang nagpapatuloy ang clearing operations, nananatiling positibo ang lokal na pamahalaan na maibabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa buong San Carlos City sa mga susunod na araw.

Facebook Comments