Comelec Commissioner Rowena Guanzon, muling nanindigan sa kaniyang desisyon sa kaso ni Bongbong Marcos

Muling nanindigan si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon sa kaniyang desisyon na idiskwalipika si dating senador Bongbong Marcos sa pagtakbo sa election 2022.

Kaugnay nito, nanawagan si Commissioner Guanzon sa mga kasama nito sa Comelec partikular kay Commissioner Aimee Ferolino na ilabas na ang resolusyon hinggil sa kaso ni Marcos.

Bukod dito, naniniwala si Guanzon na may nagmamanipula o may nasa likod na public official kaya’t hindi pa inilalabas ni Ferolino ang nasabing resolusyon.


Giit pa ni Guanzon, hindi nararapat ang mga katulad ni Marcos na mamuno sa bansa dahil marami itong nagawang pagkakamali tulad ng hindi pagrespeto sa batas at isa umanong sinungaling na tao.

Sinabi pa ni Guanzon na nakakahiya na ang kasalukuyang nangyayari sa Comelec at nawawalan na rin ng tiwala ang publiko dahil sa pagdelay ng desisyon sa kaso ni Marcos.

Dahil dito, hinamon ni Guanzon ang lahat ng nakaupo sa Comelec na magbitiw na sa pwesto dahil sa hindi maayos at mabagal na pagtupad sa trabaho.

Matatandaan na binigyan ni Guanzon mg hanggang ngayong araw si Ferolino para ilabas ang resolution sa consolidated disqualification cases ni Marcos upang malaman na ito agad ng publiko.

At sakaling walang mangyari ngayong araw, nagbabala si Guanzon na kaniyang ihahayag ang mga pulitikong nasa likod umano ni Ferolino.

Facebook Comments