Friday, April 17, 2026

Compound na nagsisilbing drop-off at pick-up point ng fuel tankers na naglalaman ng undocumented diesel, nadiskubre sa San Mateo Rizal

Nadiskubre ng mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang compound sa Brgy. Malanday, San Mateo Rizal na nagsisilbi umanong drop-off at pick-up point ng mga fuel tanker na naglalaman ng mga undocumented diesel.

Ayon kay HPG Spokesperson PLt. Nadame Malang nag-ugat ang follow operation matapos magsagawa ng Anti-Carnapping operation sa bahagi ng C6 Road sa San Mateo Rizal kung saan na-flagged down ang isang truck matapos makita na hindi gumagana ang likod at harapan nitong ilaw.

Bigo namang magbigay ng kaukulang dokumento ang driver at dito na nila ininspeksyon ang sasakyan matapos makita rin na may tumutulo sa likod nito kung saan nadikubre na may karga itong tinatayang 7,000 liters ng diesel na una nang pinabulaanan ng driver na “used oil” lang.

Dito na tinunton ng mga pulis ang pinagmulan ng nasabing ilegal na diesel na nagresulta sa pagkakadiskubre sa isang compound sa Rizal.

Ayon kay Malang narekober sa lugar ang 4 na unserviceable tanker trucks na ng 8,000 liters.

Sa kabuuan nasa 15,000 liters ang nakumpiskang mga undocumented diesel na tinatayang nagkakahalaga ng halos 2 milyong piso.

Naaresto naman ang 2 indibidwal na kinabibilangan ng driver at nahaharap sila sa kaukulang mga kaso na may kinalaman sa ilegal na produktong petrolyo.

Samantala, iniimbestigahan na rin ang nagrenta sa nasabing compound na si alyas “Boss Vin”.

Facebook Comments