
Nagbigay ng paglilinaw ang Korte Suprema kaugnay sa pagbabawal sa pagdadala ng kutsilyo tuwing panahon ng eleksiyon.
Ayon sa Supreme Court, hindi awtomatikong kasama ang mga patalim tulad ng kutsilyo maliban na lamang kung dinala ito sa loob o malapit sa voting precinct.
Batay sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, pinaburan ng Supreme Court 3rd Division ang motion for reconsideration at pinawalang-sala ang isang lalaki na naunang napatunayang lumabag sa Omnibus Election Code.
Ito ay matapos niyang magbitbit ng kitchen knife sa labas ng kaniyang bahay noong 2018 elections nang walang written authority mula sa Commission on Elections (COMELEC) dahilan upang arestuhin siya.
Pero sabi ng SC, bigo ang prosekusyon na patunayang nasa loob siya ng 100 metro mula sa isang presinto.
Una siyang hinatulang guilty ng Regional Trial Court at kinatigan ng Court of Appeals at Supreme Court bago baliktarin ang desisyon at ipawalang-sala kalaunan.










