Confidential funds ng DepEd, kinuwestiyon ng isang security analyst

Kwestiyonable para sa security analyst na si Dr. Chester Cabalza ang panghihingi ng Department of Education ng intelligence at confidential funds para sa susunod na taon.

Ayon kay Cabalza, ipinagtataka niya kung bakit kailangan pa ng intel funds ng DepEd gayong sa lahat ng mga ahensya ay ito ang may pinakamalaking pondo sa ilalim ng 2023 proposed national budget.

Pero aniya, sang-ayon siya kung ang intensyon ng intel funds ay magamit para labanan ang terorismo o extremism kung saan vulnerable ang mga kabataan.


Pero kung hindi magiging epektibo, dapat nang alisin ang intelligence funds sa 2024 budget.

“Pwede ngang gamitin doon sa pag-prevent ng extremism kasi nga ang vulnerable talaga sa terrorism, violent extremism at left-leading ideas itong mga kabataan,” ani Cabalza sa interview ng RMN Manila.

“Ngayon, dahil nasa kanila na ang pondo, tingnan natin kung magiging epektibo nga itong mekanismo na ito at kung mababawasan ang number nitong mga recruits na ito. Pero kung hindi natin makikita na hindi naman epektibo, then, kailangan natin itong tanggalin sa susunod na budget,” giit niya.

Matatandaang humingi si Vice President Sara Duterte sa Kongreso ng P150 million na confidential funds para sa DepEd bukod pa ang P500 million na confidential funds para sa Office of the Vice President.

Facebook Comments