Ni-release ng Philippine Ports Authority ang container van na may lamang isang daang sakong monoammonium phosphate at wax na naka-consigne sa Provident Tree Farms, Inc. na nakabasi sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur.
Magugunitang hinarang noong nakaraang araw ng Port Police ang container van sa barkong dumaong sa pantalan ng Brgy. Lumbucan syudad ng Butuan dahil sa makadudang laman nito.
Ayon kay Carmelito Fabian C. Abitona, Manager ng Port Management Office of Agusan sa isinagawang joint inspection sa hinarang nilang kargamento kasama ang Phil. Coast Guard, Phil. Maritime, Port Police, PNP at iba pang ahensya nadiskobre na nagkaroon ng miss declaration sa bill of lading kung saan “empty bags ang nakalagay imbes na 100 sacks of monoammonium phosphate.”
Aminado ang opisyal na may violation na nagawa ang kompanya at patuloy pa nila itong inimbestigahan.
Katwiran ni Abitona ni-release nila ang naturang kargamento dahil dineklara ng EMB na ligtas ang mga ito.
Una nang sinabi ni Gauden Estrada, Officer-In-Charge ng Provident Tree Farms Inc, na ang “mono ammonium phosphate” ay ginagamit nila sa paggawa ng mga palito ng posporo.