Ipaprayoridad ng lungsod ng Makati ang mga vendor at Public Utility Vehicle (PUV) driver sa isasagawang COVID-19 pool testing.
Sisimulan sa August 15, 2020 ang Pooled Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing na binuo sa ilalim ng Project Antibody Rapid Test Kits (ARK).
Target ng lokal na pamahalaan na ma-test ang nasa 10,000 indibidwal kung saan uunahin ang vendors at drivers dahil kabilang ang mga ito sa pinaka-exposed o lantad na magkasakit ng Coronavirus Disease.
Sa ilalim ng pooled testing method, sabay-sabay na susuriin ang swab samples mula sa iba’t ibang indibidwal na bubuo sa isang pool o batch.
Kapag positive ang resulta, lahat ng mga kasama sa batch ay isa-isang isa-swab test at susuriin nang magkakahiwalay ang mga sample.
Kapag negative naman ang resulta, hindi na kailangang itest pa ang lahat ng kasama sa grupo.
Naniniwala si Makati Mayor Abby Binay na malaki ang maitutulong ng pooled testing sa pagpapahusay ng mass testing protocols upang maging mas epektibo ang pagtugon sa COVID-19 cases sa buong bansa.