Cauayan City, Isabela-Sa taong ito inaasahang masisimulan na ang pagtatayo ng crematorium sa lungsod ng Cauayan.
Ito ay matapos maipasa ang panukalang ordinansa na 20-2021-393 o “Crematorium, Columbarium at Burulang Bayan” sa una at ikalawang pagbasa na akda ni City Councilor Edgardo “Egay” Atienza, Chairman ng Trade and Industry.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay SP Atienza, napag-usapan na maaaring kunin ang pondo sa pagpapagawa ng pasilidad sa ilalim ng General Fund.
Inihalimbawa nito na sa pasilidad palang ng Crematorium ay posibleng pumatak na sa P7.8 milyon habang hiwalay ang paglalaan ng pondo sa Columbarium at Burulang bayan.
Dagdag pa ni Atienza, sa paraang ito makatitipid ang pamilya ng nawalan ng mahal sa buhay kung sakaling makapagtayo nito sa ilalim ng ordinansa.
Kung maging ganap na ordinansa, itatayo ang mga pasilidad sa Barangay San Francisco na inaasahang ito ang magiging kauna-unahang crematorium, columbarium at burulang bayan sa Cagayan Valley.
Hindi naman pipigilan ang mga nais idala ang kanyang namayapang mahal sa buhay sa crematorium na magmumula sa mga karatig bayan at lungsod.
Sa gastusin ng crematorium, minimal lang ang singil para sa mga residente ng Cauayan City habang sa non-residents ay may pagtaas ng kaunti pero pagtitiyak ni Atienza na hindi na ito hihigit pa sa P30,000.
Tiniyak rin ni Atienza na hindi ito magiging kakumpitensya para sa mga may-ari naman ng funeral service.