Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang mga pinakahuling nangyaring cyberattacks na tumatarget ngayon sa mga ahensya ng gobyerno kabilang ang websites na may kinalaman sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Sa Senate Resolution 923 na inihain ni Hontiveros, inaatasan ang Senate Committee on National Defense and Security na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa hinihinalang foreign government-sponsored na cyberattacks sa ating mga ahensya.
Pinaniniwalaan kasi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang hackers ay nag-o-operate sa China.
Nito lamang Pebrero 3, inanunsyo ng DICT na pinasok ng hackers ang email systems at internal websites ng Philippine Coast Guard, Office of the Cabinet Secretary, Department of Justice, National Coast Watch System, House of Representatives at mismong DICT.
Iginiit ni Hontiveros na sa halip pinag-aaksayahan ng oras ang Charter change ay mas ituon ng gobyerno ang kanilang enerhiya sa pagpapalakas ng mga batas para sa pambansang seguridad.