Nasermunan ni Senator Cynthia Villar ang Department of Agriculture (DA) dahil sa malaking pondo na inilaan para sa importasyon ng chemical fertilizer at hybrid rice seedlings.
Sa ginawang pagtalakay ng ahensya sa P163.8 billion na panukalang pondo ng DA sa susunod na taon, sinita ni Villar kung ano ang mayroon sa importation na palaging gustong gawin ng DA na tinawag na nga niyang Department of Importation.
Aabot sa P15 billion ang alokasyon para sa pag-import ng chemical fertilizer habang P1 billion naman sa composting.
Giit ni Villar, sa halip na chemical fertilizer ang palaging gamit ng mga magsasaka na nakakapagpahina sa kalidad ng lupa ay dapat turuan ang mga farmer na mag-composting para sila na mismo ang gagawa ng sariling pataba.
Pero, ayaw aniyang turuan ng DA para angkat na lang nang angkat ng chemical fertilizer.
Ganito rin ang kaso sa importasyon ng hybrid seedlings na mas gusto rin ng DA kahit mas malaki ang gastos at kakaunting mga magsasaka lang ang makikinabang dahil sa mahal na farm inputs na kailangan dito.
Mas dapat aniyang pagtuunan ng pansin ang inbred seeds o locally produced na mga buto o punla para mas maraming magsasaka ang makikinabang.
Paliwanag naman dito ni DA Usec. Mercedita Sombillo, ginagawa ng ahensya ang panghihimok sa mga magsasaka na gawin ang composting habang mas mataas naman ang ani kapag hybrid rice seeds ang gamit ng mga magsasaka.