DA, paiigtingin ang pagbabantay sa presyo sa mga palengke para mapanatili ang patas at matatag na presyo ng pagkain

Paiigtingin ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabantay sa presyo ng mga bilihin sa mga wet market, partikular sa mga pangunahing lungsod sa buong bansa, upang mapanatili ang patas at matatag na presyo ng pagkain.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahigpit na ipinatutupad ng ahensya ang mga patakaran laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural.

Isa sa mga hakbang ng DA ang pagpapaliwanag sa mga trader at retailer hinggil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas, gulay, isda, at karne.

Ani Laurel, nagpalabas na ang ahensya ng show cause order laban sa mga nagtitindang hindi sumusunod sa itinakdang presyo, at hinihintay na lamang ang kanilang paliwanag upang matukoy ang mga posibleng kasong isasampa.

Dagdag pa ng kalihim, maaaring makasuhan ang mga retailer na magsusumite ng hindi kumpleto, mali, o mapanlinlang na impormasyon kaugnay ng pagpepresyo at pinanggagalingan ng kanilang supply.

Kaugnay nito, binanggit ni Laurel ang pagbaba ng presyo ng sibuyas at bigas sa merkado, kung saan mula sa dating humigit-kumulang P300 kada kilo, bumaba ito sa P200, at mas mababa pa sa ilang lugar.

Ayon sa kalihim, malinaw na may epekto ang mahigpit na monitoring at pressure sa merkado upang mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Samantala, binigyang-diin din ni Laurel ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang kapulisan, sa pagpapatupad ng mga probisyon ng Price Act.

Sa ngayon, pansamantalang tututok ang DA sa mga palengke sa Metro Manila, Cebu, at Davao, kung saan mas ramdam ng mga mamimili ang epekto ng mataas na presyo ng pagkain.

Facebook Comments