MAYNILA – Ipinatupad na ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang total shutdown sa isang barangay sa Tondo matapos madiskubreng nagsasagawa roon ng boxing at bingo.
Sa ilalim ng Executive Order No. 19, naka-lockdown ang buong Barangay 20 mula alas-8 ng gabi Abril 14 hanggang alas-8 ng gabi ng Abril 15 para sa disease surveillance.
Tigil-operasyon din muna ang mga establisyimento, tindahan, at mga aktibidad sa nasabing lugar.
Bukod sa 24 oras na shutdown, iniutos din ng pamahalaang-lungsod ang pagsasagawa ng mass testing at rapid risk assessment sa apektadong komunidad.
“A video was posted on Facebook showing a group of more or less one hundred people, including children, participating and spectating in what appears to be an informally organized boxing match by the side of the street,” sabi ng opisyal.
Pagpapatuloy niya, “it shows blatant violations of the enhanced community quarantine guidelines and social distancing protocols thereby creating immense risk of exposure and contraction of COVID-19 to those involved in the event.”
Binabantayan ngayon ng halos 150 sundalo at pulis ang lahat ng entrada ng Parola Compound at Isla Puting Bato, na sakop ng Barangay 20.
Sa nakalipas na magdamag, nasa 80 katao na ang naaresto ng otoridad dahil patuloy pa rin lumalabas ng kani-kanilang tirahan.
Kasalukuyang nananatili sa Tondo Sports Complex ang mga residenteng pasaway at pakakawalan ngayong gabi, ayon sa Manila Police District Station 2.