Dalawang amasona na iniwan sa engkwentro, naaresto ng militar sa Davao del Norte

Nahuli ng tropa ng militar ang dalawang amasona sa Sitio New Laslasakan, Barangay Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte matapos silang iwanan sa bakbakan ng kanilang New Peoples Army (NPA) leader.

Kinilala ni EastMinCom Commander Lt. Gen. Greg T. Almerol ang dalawang nahuling NPA members na sina Masarinda Balite, alyas Alina, medical/supply officer at Odessa Dumol.

Aniya, nagkaroon ng 20 minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga tropa at ng grupo ng NPA matapos na tumanggi ang kanilang lider na si Lt. Apoga, alyas Macky na sumuko.


Sa kasagsagan ng bakbakan, tumakas si alyas Macky at ilan pang mga kasamahan at naiwan ang dalawang amasona na nahuli matapos masugatan ang isa sa kanila.

Patuloy ang pagtugis ng mga tropa sa nagsitakas na terorista habang ang sugatan na si Balite ay dinala naman sa ospital para ipagamot.

Narekober ng mga tropa sa pinangyarihan ng enkwentro ang tatlong M16 rifles, isang M4 rifle, medical kits, at mga personal na gamit ng mga nahuling NPA.

Facebook Comments