
Hindi naibenta ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawa sa natitirang apat na sasakyang nakumpiska mula sa mag-asawang Discaya sa isinagawang ikalawang public auction.
Kabilang sa hindi naibenta ang:
• Bentley Bentayga 2022 na may floor price na higit P13.8 milyon
• Rolls-Royce Cullinan 2023 na ibinaba sa higit P36.2 milyon ang floor price
Samantala, nabili ang dalawang iba pang unit:
• Toyota Tundra 2022 — binili ng RMCE Metal Products Trading Corp. sa P3,480,000.00
• Toyota Sequoia 2023 — nakuha ni Jose Maria Esteban III sa P6,000,000.00
Ayon kay Atty. Chris Bendijo, Deputy Chief of Staff ng BOC, dahil hindi naibenta ang dalawang luxury vehicles, maaari na silang makipag-usap nang direkta sa mga interesadong bumili.
Nilinaw rin niya na walang plano ang BOC na i-donate ang mga ito sa mga government agencies at wala ring intensiyon na wasakin dahil maaari pa itong maging mapagkukunan ng pondo.
Gayunman, hihintayin pa rin ng BOC ang magiging rekomendasyon ng Auction Committee para sa susunod na hakbang upang maibenta ang dalawang natitirang mamahaling sasakyan.









