
Arestado sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 1 ang dalawang Pilipinang babae na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal matapos dumating mula sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Setyembre 5.
Ayon sa Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan ng Criminal Investigation and Detection Group–Anti-Transnational Crimes Unit (CIDG-ATCU), NAIA Police Station 1, Bureau of Immigration (BI), Securities and Exchange Commission (SEC), at Philippine Center on Transnational Crime o INTERPOL National Central Bureau.
Nasabat ang dalawang babae sa arrival area at matapos ang immigration processing ay dinala sa NAIA Police Station 1 para ipatupad ang mga umiiral na warrant of arrest laban sa kanila.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng dalawa ang Estafa, Syndicated Estafa, paglabag sa Securities Regulation Code, Batas Pambansa Blg. 22, at iba pang kaugnay na paglabag.
Ilan sa mga kasong isinampa sa Batangas City ay walang inirekomendang piyansa.
Inilipat na ang dalawang akusado sa CIDG-ATCU para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.
Ayon kay PNP-AVSEGROUP Director Police Brigadier General Dionisio B. Bartolome Jr., patunay ang matagumpay na operasyon sa matibay na koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan upang mapanagot sa batas ang mga wanted na indibidwal.










