DELIVERY TRUCK NA MAY NFA LOGO, PERO ANG LAMAN AY SEMENTO, HINDI NAKALUSOT SA QUARANTINE CHECKPOINT SA KALIBO

Kalibo, Aklan- Kulong ang driver ng isang truck matapos magkunwaring NFA rice ang karga nito na kanya sanang idedeliver.
Naharang ng mga miyembro ng Highway Patrol Group-Aklan at Kalibo PNP sa Brgy. Tigayon Kalibo ang isang Isuzu GIGA truck kagabi na minamaneho ni Rio Fiebre Jr. 36 anyos residente ng Dumarao, Capiz at nakarehistro kay Joebert S. Calata, ng Passi City Iloilo.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, may nakalagay umano sa truck na logo ng NFA at “NFA RICE DO NOT DELAY” kung saan makikita rin ang pangalan at pirma ni Jose Mario Adan D. Pacificador, NFA-Iloilo Provincial Office.
Bilang protocol at SOP agad na siniyasat ito ng mga pulis at imbes na mga sako ng bigas ay tumambad ang 700 na sako ng semento kasama pa ang delivery receipt nito.
Nabigo ang suspek na makapagpakita ng kaukulang dokumento na sila ay otorisadong magdeliver ng naturang kargamento at maging ng kanyang quarantine pass.
Kakasuhan ng paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority ang naturang suspek sa Aklan Prosecutors Office.
Samantala ayon sa mga otoridad na mas pa nilang hihigpitan ang mga Border Checkpoint para maiwasang maulit ang kaparehong insidente.

Facebook Comments