Pag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang Executive Order (EO) na ilalabas ng pamahalaang Lungsod ng Cebu na naglalayong alisin na ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa kanilang lugar.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, maglalabas ng guidelines at statement ang Kagawaran bilang magiging panuntunan sa mga paaralan sa Cebu.
Posibleng hanggang bukas ay makapagpalabas na ng statement ang DepEd tungkol dito.
Hindi pa daw kasi nababasa ng Kagawaran ang nilalaman ng EO ng Cebu LGU kung kaya’t hindi pa nila masabi ang magiging nilalaman ng guidelines na kanilang ilalabas.
Base sa anunsyo ni Cebu City Mayor Michael Rama, aalisin na nila ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa lungsod bilang hakbang sa pagbuhay ng kanilang ekonomiya.
Hindi daw kasi masyadong makausad ang economic recovery sa Cebu City dahil sa mga health restrictions na ipinatutupad.
Dagdag pa ng alkalde, posibleng ipatupad na rin daw ng iba pang alkalde sa Cebu ang pagtatanggal ng pagsusuot ng face mask.