DEPED MT. PROVINCE, MAGBIBIGAY NG 457 TABLETS SA MGA ESTUDYANTE

Habang ang ibang mga eskwelahan ay naghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes, ang ibang mga paaralan naman sa Mountain Province na naapektuhan ng lindol ay magsasagawa muna ng blended learning.

Ito’y matapos ang malakas ng lindol nitong Hulyo 2022 na sumira sa ilang mga school building sa lugar.

Nakatakdang magsimula ang face-to-face classes sa buong probinsya para sa school year 2022-2023 sa Agosto 22, 2022.

Ayon kay John M. Libongen, Jr., OIC chief education supervisor for School Governance and Operations Division, sa kabuuang 267 na eskwelahan sa probinsya, 175 ang school buildings ang maaaring gamitin para sa in-person classes habang may 92 school buildings naman na nagtamo ng malaking sira at di ligtas gamitin para sa face-to-face classes.

Kaugnay nito, ang mga paaralan nag apektado ay magsasagawa muna ng blended learning habang ang iba naman ay gagamitin ang mga bakanteng building, bahay o mga open spaces na pwedeng pagdausan ng klase.

Nakipag ugnayan rin ang ahensya sa mga Local Government Units para magamit ang mga barangay halls at iba pang buildings bilang learning centers.

Samantala, ang Provincial Government ng Mt. Province sa pamamagitan ng Special Education Fund ay bumili ng 457 tablets na ipamimigay sa mga benipisaryong paaralan upang magamit ng mga estudyante.

Facebook Comments