Tuesday, March 10, 2026

DepEd, sinimulan na ang mandatory flexible work arrangement sa harap ng krisis sa langis

Sinimulan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng mandatoryong flexible work arrangement para sa mga kawani nito.

Ito ay bilang bahagi ng protocol sa pagtitipid ng fuel sa harap ng krisis sa langis.

Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 18 s. 2026, layon ng mga bagong protocol na mabawasan ng 10 hanggang 20 porsiyento ang pagkonsumo ng kuryente at krudo.

Kabilang sa mga hakbang para dito ang pagpapanatili ng setting ng air-conditioning sa 24°C; pag-activate ng sleep settings sa mga kagamitan at pagpatay sa mga hindi kailangang ilaw at kagamitan tuwing break at pagkatapos ng oras ng trabaho.

Hinihikayat din ng DepEd ang kanilang mga empleyado na gumamit ng hagdan hangga’t maaari.

Isasagawa na rin ang mga inter-agency meeting, konsultasyon, at kumperensya sa pamamagitan ng virtual platforms, habang lilimitahan ang mga opisyal na biyahe sa mga mahahalagang aktibidad.

Epektibo rin ngayong araw, Marso 9, 2026 , ipatutupad ng DepEd ang four-day onsite work arrangement mula Lunes hanggang Huwebes.

Ang Biyernes naman ang magiging common work-from-home (WFH) day para sa lahat ng sakop na non-teaching at related-teaching personnel.

Facebook Comments