Desisyon ng IATF na payagan nang magbukas ang ilang leisure businesses gaya ng mga sinehan, dinepensahan ng pamahalaan

Dinepensahan ng gobyerno ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan nang magbukas ang mga sinehan, gaming arcade at ibang leisure businesses sa Metro Manila.

Kasunod ito ng pagtutol dito ng Metro Manila mayors dahil sa posibleng panganib nito sa publiko lalo’t nagpapatuloy pa ang pandemya.

Bukod dito, kinuwestiyon din ni Vice President Leni Robredo ang siyensyang pinagbasehan ng desisyon ng task force.


Giit ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, nakabase sa health at economic data ang desisyong buksan muli ang ekonomiya.

Pinagbasehan din ng IATF ang hindi pagtatala ng COVID-19 super-spreader events sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) kung saan una nang pinayagan ang pagbubukas ng mga sinehan.

Giit pa niya, hindi maaaring habambuhay na bagsak ang ekonomiya ng bansa.

Sa ngayon, isinasapinal pa ang guidelines para sa bagong polisiya.

Pagtitiyak ni Nograles, pangungunahan ng Department of Health (DOH) ang implementasyon nito para masigurong maipaprayoridad ang kasulugan at mahigpit na maipatutupad ang safety protocols kasabay ng pagbubukas ng mga nabanggit na economic activities.

Facebook Comments